Lalaking Buntis


- Matakot ka sa karma. Mag-ingat! Baka ikaw na ang sumunod...



MASYADONG maalinsangan ang panahon pero tila may bagyong sumasalakay at inaanod ng baha ang puso ng isang ina habang yakap nito ang katawan ng anak.

"Magbabayad siya! Ipaghihiganti ko ang ginawa niya sa'yo. Magbabayad siya," wika nito saka ubod ng pait na muli itong humagulgol. Mayamaya ay may hinugot itong isang larawan mula sa bulsa ng anak. "Sa pamamagitan ng aking kapangyarihan ay magbabayad ka," dugtong nito saka umusal ng isang lumang wika. Pagkatapos ay dinuraan nito ang imahe sa larawan. Bawat daanan ng laway ay nalulusaw ito hanggang sa mawala na ang imahe. Lumipad ang paningin niya sa salaming nakasabit sa dingding ng kuwarto. Nanlilisik ang mga mata niyang titig na titig roon. Ilang saglit pa ay nabasag ang salamin at umagos ang sariwang dugo. Kasabay ng halakhak nito ang pagyakap niyang muli sa wala ng buhay na anak.

"MAHAL na mahal kita," wika niya sa binata habang hinila siya palapit sa dibdib nito. Napasinghap siya nang maramdaman ang init ng dibdib nito. At naramdaman niya ang unti-unting pagdaloy ng init sa kanyang katawan.

Pakiramdam niya ay sinisilaban sa init ang kanyang mga pisngi. Gusto niyang itulak palayo sa kanya ang lalaki subalit walang lakas ang mga braso niya para pigilin ito. Napapikit siya at naramdaman ang mainit na halik nito. Ang malakas na tibok ng kanyang puso ay lalong nadagdagan nang mapansing unti-unting tinatanggal nito ang butones ng kanyang damit.

Natigilan siya sa pakiramdam na may mabigat na bagay na nakapatong sa kanyang katawan at kung hindi siya nagkakamali ay nag-iinit ang kanyang katawan. Namulatan niya ang nakapikit na lalaki habang bihag nito ang kanyang labi, at hindi nito pansin ang pagpatak ng kanyang mga luha. Ibibigay ko sa'yo ang lahat. Huwag ka lang mawala. Sa kanyang naibulong sa sarili ay nakagat niya ang labi ng binata na siyang ikinasaya nito. Doon lamang niya namalayan na isinuko na niya ang kanyang pagka-berhen

Basa ang kanyang mukha ng mga luhang naibuhos niya. Kanina lamang ay kayakap niya ang lalaking iniibig. Ngayon, magisa na lamang siyang nababalutan ng puting kumot na nabahiran ng pulang mantsa.

"Bakit mo ako biglang iniwan?"

GUWAPO, matalino, at matangkad. Ang mga iyon ang katangian ni Jon. Matinik siya sa mga babae. At ilan sa mga iyon ay lumuha ng dahil sa kanya.

Lumaki siya sa Maynila. At dahil nasa wastong edad na siya ay malaya niyang inililibang ang kanyang sarili sa mga babaeng kanyang napupusuan. Ang babae sa kanya ay parang isang manika. Kapag pinagsawaan ay wala ng halaga. Lalo na kung nakuha na niya ang pagka-berhen nito.

Naglalakad siya sa kalsada nang maramdaman niyang may tila tumatawag sa kanya. Pansamantala siyang tumigil sa paglalakad. Nakiramdam at nang makasigurong walang ibang tumatawag sa kanya ay muli niyang ipinagpatuloy ang paglalakad bitbit ang kanyang maleta. Patungo siya sa bahay-bakasyunan nila sa isang liblib na lugar sa Iloilo. Pansamantala niyang iiwan ang buhay sa Maynila. Ang totoo ayaw niyang magawi sa kanayuan dahil malayo ito sa mga lugar na hilig niyang puntahan.

"Di bale marami namang magagandang babae rito," piping usal niya. Tama nga ang kanyang hinala, maraming magagandang dalaga siyang nakakasalubong sa daan. Mga dalagang malayo sa asal ng mga babaeng lumaki sa syudad.

Mula sa di-kalayuan ay natanaw niya ang isang bahay-kubo. Mayamaya pa ay may lumabas na isang matandang lalaki. At natitiyak niyang ito ang kanilang katiwala. At sa pakiramdam niya ay wala itong pinagkaiba isang taon na ang nakakalipas. Malakas pa rin ito at malinaw ang mga mata kahit edad singkwenta na.

"Mabuti at napadalaw ka. Eh, baka naman may tinatakasan kang babae," pabirong wika nito sa kanya. Isang buntung-hininga na lamang ang kanyang itinugon.

MASUNGIT ang panahon sa gabing iyon. Hindi siya makatulog kaya minabuti niyang dumungaw sa bintana. Mayamaya ay tila galit ang hangin na hinampas ang kanyang mukha. Ipiniid niya ang bintana ng bahay-kubo at naupo siya sa kawayang upuan. Natanaw niyang mahimbing na natutulog ang kanilang katiwala sa papag na kawayan. Naalala niya ang sinambit nito sa kanya kanina. Baka raw may tinatakasan siyang babae kaya siya napapadpad sa kanayuan. Muling nag-flashback sa kanyang utak ang mga huling tagpo nila ni Dolores.

"Buntis ako, at ikaw ang ama." Tila tinambol ang kanyang dibdib sa narinig. Buntis ang kanyang nobtya. At alam niyang hindi niya kayang panagutan iyon. Iniwan niya itong luhaan sa plaza. Alam niyang masama ang kanyang ginawa pero ito lamang ang paraan para makaiwas siya sa responsibilidad. Itinanggi niyang siya ang ama ng dinadala nito kahit pa alam niyang siya ang nakakuha ng pagka-berhen nito.

Ngayon, nandito siya sa kanayunan para tumakas. Ayon sa kanyang mga kaibigan ay hinahanap siya nito ngunit makalipas ng dalawang araw ay hindi na ito nagparamdam.

Natigilan siya nang makaramdam ng pagsusuka. Tumayo siya para buksan ang bintana at doon ilabas ang isusuka niya. Muli siyang naduwal hanggang sa masuka na siya. Habol ang paghinga nang maisuka niya ang lahat ng nakain niya. At sa kanyang pagtingala ay napaigtad siya sa kanyang nakita. Isang babaeng nakaputi ang nakatalikod mula sa di-kalayuan. Nakalutang ito sa hangin. Napaantada siya sa labis na sindak pagkasara niya ng bintana. Humugot siya ng isang malalim na hininga. At sa kabila ng takot ay nanaig ang kuryosidad niyang muling buksan ang bintana. Wala na ang babae. Nakahinga siya ng maluwag, at inisip na namamalikmata lamang siya. Nasaklot niya ang kanyang tiyan. Parang may mabigat na bagay na unti-unting nagpapaduwal sa kanya. Nahihilo siya na nasusuka. Napahiga siya sa papag hanggang sa nakatulog na siya.

"BUNTIS ako...." mahinang daing ni Dolores. Bakas ang pait sa kanyang mukha. Ibinigay niya ang lahat kasama na ang puso niya subalit ano ang napala niya. Iniwan siya ng lalaki, at itinangging ito ang ama ng dinadala niya. Mula sa isang pahina ng libro ay kinuha niya ang isang larawan ng lalaki.

"Jon, mahal na mahal kita," wika niya habang hinalikan ang lumang larawan. Mayamaya ay kinuha niya ang isang punyal. At agad itong iniamba malapit sa kanyang puso. "Mamatay kami ng anak mo ng dahil sa'yo. Magbabayad ka!"

Kasabay nang pagkalat ng dugo sa sahig ang pagdagundong ng kulog. Tila galit ang langit sa kanyang nasaksihan. Hanggang sa unti-unting bumuhos ang ulan na tila nakikiramay sa mga kaganapan.

MULA sa di-kalayuan ay nakaramdam ng pagkabahala si Aling Petra. Nakita niya ang pagguhit ng kidlat sa kalangitan. Naalala niya ang anak na nagdadalang-tao. At napuno ng pag-aalala ang kanyang puso. Tila nagsusumbong ang langit sa nangyari sa kanyang anak. Mula sa kanyang bulsa ay hinugot niya ang isang maliit na bote na nasisidlan ng lana, at sa loob nito ang isang ulo ng ahas. Tila may ibinulong ito sa kanya. Isang bagay na siya lamang ang nakakaunawa. Bigla siyang napasigaw, at ang sigaw na iyon ay umeko sa buong kapaligiran.

TAKAM na takam si Jon habang namimitas ng mangga. Gamit ang panungkit ay nagtagumpay siyang makuha ang inaasam na bunga. Mas malaki kumpara sa mga naunang nasungkit niya. Nabalot ng asim ang kanyang mukha nang kagatin niya ang mangga. Ang sarap, nasabi niya sa sarili. Talo pa niya ang babaeng naglilihi kung masunggaban niya ang hilaw na mangga. Pagtingala niya ay nabitawan niya ang mangga. Isang babae ang kanyang natanaw mula sa di-kalayuan. Lumulutang sa hangin. Namamalikmata lang ba siya? Napapitlag siya nang humarap ito sa kanya. Titig na titig ang mga mapupulang mata nito. Sa labis na pagkasindak ay napasigaw siya.

"Jon, a-anong nangyayari sa'yo?" pag-aalalang wika sa kanya ni Mang Ambo, ang katiwala nila. Pinainom siya nito ng tubig saka pinaupo sa isang kawayang upuan. "Baka namamaligno ka lamang?" Napatingin siya sa matanda. Ang totoo hindi siya naniniwala sa mga maligno, pero ngayon gusto na niyang maniwala.

Tumayo siya nang biglang umasim ang kanyang sikmura. Tumakbo siya para sa banyo isuka pero hindi na niya nagawa. Nahihilo siya na naduduwal hanggang sa bumigay na siya. Isinuka na niya ang nilalaman ng kanyang tiyan. Mayamaya ay naramdaman niya ang paghimas ng matanda sa kanyang likuran.

"Dadalhin kita kay ka-Selya," wika nito sa kanya. Tumanggi siya. Ayaw niyang magpatingin sa isang albularyo. Sa isang klinika malapit sa bayan siya nagtungo. Kulang-kulang isang oras ang ginawang pagsusuri sa kanya. Hanggang sa pina-ultrasound siya. At ang resulta ay gumimbal sa buong klinika.

"B-buntis ka," hindi makapaniwalang wika sa kanya ng doktor.

ISANG linggo na ang nagdaan nang madatnan ni Aling Petra ang kanyang anak na dalaga na nakahandusay sa sahig. May saksak sa dibdib nito at naliligo sa sariling dugo. Umusal ito ng lumang wika saka kinuha ang isang lumang larawan. Mayamaya ay binuhusan niya ito ng lana na gawa sa katas ng ahas. Muling nagsambit ng lumang wika, at sa kanyang pagtingala ay lumabas mula sa kanyang bibig ang malapot na laway. Pumatak iyon sa larawan. Bawat madaanan nito ay nalulusaw ang imahe ng isang lalaki.

"Mamatay ka! Mamatay ka!"

BUTIL-butil ang pawis sa noo ni Jon nang bumangon siya sa kama. Habol ang kanyang paghinga. Nakapa niya ang kanyang tiyan. Lumaki na ito na parang isang babaeng nagdadalang tao. Apat na araw na ang nakakaraan nang suhulan niya ang doktor ng malaking halaga para huwag ikalat ang kababalaghang naganap sa kanya. Nagdadalang-tao siya. Paano nangyari ito? Tatayo na sana siya sa kama nang biglang sumakit ang tiyan niya. Napasandig siya sa kama hanggang sa mapahiga na siya. Nabalot ng sindak ang puso niya nang mapansing tila lobong lumalaki ang kanyang tiyan hanggang sa magsilabasan ang mga ugat nito. Hinde, piping usal niya. Sa kanyang paglingon ay labis ang kanyang pagkabigla nang matanaw niya ang isang babaeng nakalutang sa hangin. Humarap ito sa kanya. At labis ang kanyang pagkamangha nang makilala niya ito.

"D-dolores?" Lumaki ang mga mata nito na tila bolang apoy na nagliliyab.

"Oo, ako nga," Nakakapanghilabot ang boses nito. "Hindi ako matatahimik hanggang hindi ka nagbabayad sa ginawa mo sa akin." Iyon lamang ang nawika nito nang tila pulbos na nilipad iyon ng hangin.

Nasaklot niya ang kanyang tiyan ng makaramdam ng isang bagay na gumagalaw mula sa loob nito. Mayamaya ay tila napupunit ang kanyang tiyan hanggang sa magsilusutan ang mga uod, kasunod niyon ang mga bulateng lumalabas sa butas ng kanyang pusod. Nasakmal na ng takot ang kanyang pagkatao. Nagsisigaw siya ngunit tila walang nakakarinig sa kanya.

Muling pumasok sa kanyang isipan ang kanyang kasintahan. Si Dolores, isang babaeng nakilala niya sa tabing dagat, na ngayon ay minumulto siya. Paano namatay ito? Kailan pa? Sa kabila ng sakit na nararamdaman ay nagawa niyang makabangon sa kama. At sa pagtapak niya sa sahig ay muling tinambol ang kanyang dibdib nang matapakan niya ang mga malalaking uod sa sahig. Gusto niyang masuka nang mabahiran ng kung anong malapot na likido ang kanyang mga paa. At sa kanyang pagtingala ay natanaw niya ang kaluluwa ni Dolores. Titig na titig ito sa kanya. Mayamaya pa ay nasa harapan na niya. Ang matutulis nitong mga kuko ay sumayad sa kanyang malaking tiyan. Tila may plano itong dukutin ang ano mang bagay na nais nitong makuha.

MABILIS ang mga hakbang na ginawa ni Mang Ambo. Alam niyang nasa panganib ang buhay ng kanyang amo. Nakita niya kung paano ginawa ng albularyo ang ritual. Mula sa isang kumukulong tubig sa palayok ay natanaw niya ang isang babaeng nagpatiwakal, at isang matandang babaeng may hawak na lumang larawan. Ayon sa matandang albularyo ay nasa ilalim ng kulam ang binata.

Ngayon, ay patungo siya pabalik sa bahay-kubo para sagipin ang buhay ni Jon. Kasunod niya si Ka-Selya na bitbit ang mga kagamitan sa panggagamot. Pansamantala siyang natigilan nang marinig ang malakas na hiyaw ng binata. Patakbo na nilang tinungo ang bahay-kubo.

Halos masuka siya nang madatnang inu-uod ang tiyan ni Jon. Malaki pa rin ang tiyan nito na sa tingin niya ay lalo pa itong lumobo. Nakita niyang namimilipit sa sakit ang binata. Tila isang babaeng manganganak na.

Nilapitan ito ni Ka-Selya saka umupo sa tabi ng binata. Umusal ito ng isang dasal saka binuhusan ng langis na gawa sa dugo ng kobra ang tiyan ng lalaki. Mayamaya ay tumili ito na siyang pumukaw sa mga ibong namamahinga sa sanga ng kahoy. Ang tili nito ay umeko sa buong kagubatan. Tila nagkahugis ang boses na siyang itinangay ng hangin sa kalawakan.

"HINDEEEEE!" hindi makapaniwalang nawika ni Aling Petra. May kumokontra sa kanyang kapangyarihan. Mas malakas kaysa sa kapangyarihang taglay niya. "Dapat siyang mamatay." Umeko ang boses nito na tila nagsa-usok hanggang sa liparin ng hangin ang mahiwagang tinig na siyang sumabay sa isa pang tinig. Nagkasalubong ang dalawang tinig hanggang sa balutin ng dilim ang kalangitan. Kasunod niyon ang pagguhit ng kidlat sa kalangitan.

HABOL ang paghinga ni Ka-Selya. Batid niyang mas malakas ang enerhiyang taglay niya kaysa sa kumulam sa binata. Nagtagumpay siyang isalba ang buhay nito subalit isang bagay ang hindi niya kayang kalabanin. Ang paglabas ng sanggol sa sinapupunan nito.

NAPAKAPIT si Jon sa magkabilang gilid ng papag. Pawisan na siya. At sa pakiramdam niya ay hindi niya kayang pigilan ang isang bagay na gustong kumawala sa kanyang tiyan. Hubot-hubad na siya. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari. Manganganak ba siya? Paano?

Muli siyang napatili nang makaramdam ng kirot. Timigas ang kanyang pagkalalaki. Sa kabila ng hirap ay nagawa niyang patigasin ito. Nagkaroon ng pangamba sa kanyang dibdib.

"Sige, i-ere mo," malakas na sigaw ni Ka-Selya. Sumigaw siya ngunit walang boses na lumabas. Tumulo ang kanyang mga luha. Naaalala niya ang mga babaeng naging bahagi ng kanyang buhay, mga babaeng niloko niya, at ang babaeng nabuntis niya. Dolores, patawarin mo ako, piping usal niya. Kasabay ng malamig na hangin ang muling pag-ire niya. Isa, dalawa, tatlong ire hanggang sa matanaw niya ang kaluluwa ni Dolores. Umiiyak habang nagmamasid sa kanya. "Ahhhhhhhhhhhhhhhhhhhh!" Kasabay ng kanyang sigaw ang pagpunit ng kanyang ari hanggang sa lumabas ang isang malusog na sanggol.

NAALIMPUNGATAN si Jon nang makarinig ng iyak ng sanggol. Nababalutan siya ng puting kumot na nabahiran ng pulang mantsa. Nanganak siya, at hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwala. Puno ng pagsisisi ang puso niya. At ngayong alam na niya kung gaano kahirap ang manganak, ipinapangako niya sa kanyang sarili na paninindigan na niya ang babaeng mabubuntis niya. Sa kanyang pagtingala ay pansamantala siyang nabigla. Ang takot ay nawala nang makilala ang babaeng nakaputi. Lumapit sa kanya ang kaluluwa ni Dolores.

"Pinapatawad na kita. Alagaan mo ang anak natin. Wala siyang kasalanan." Iyon lamang ay nawala na sa kanyang paningin ang babaeng ina ng kanyang anak. Tumingala siya sa itaas at taimtim na nagpasalamat. Nagsisi sa kanyang kasalanan, at humingi ng tulong na harapin ang kanyang buhay kapiling ang kanyang anak. Tinanggal niya ang puting kumot na bumabalot sa hubad niyang katawan. Napapitlag siya sa kanyang natuklasan. May bahid ng dugo ang kanyang ari. At putol ang ulo nito.

"Hindeeeeeeeeeeeeeeeeee!"

Minsan ang kababalaghan ay nagaganap na hindi natin inaasahan. At kung minsan kailangan nating harapin ang kabayaran sa ating mga kasalanan. Matakot ka sa karma! Hindi lahat ng mga babae ay kaya mong lokohin.... Mag-ingat, baka ikaw na ang sumunod!

WAKAS

1 comment:

seniorito aguas said...

good!! wondeful story!!! perpekto!! :))

Post a Comment