Nakasakay sa barkong patungong Negros si Rolly. Sa Maynila na siya naninirahan mula nang siya’y tumuntong sa kolehiyo subalit ang Negros ang kinalakihan niyang probinsya. Ngayon ay 35-anyos na siya at sa unang pagkakataon ay bibisitang muli sa kanyang bayan.
Subalit hindi siya bumalik upang magbakasyon o dumalaw sa mga naiwang kamag-anak. Bumalik siya upang iuwi ang bangkay ng matalik na kaibigan at kababatang si Domingo. Sakay ng barko, ibinyahe niya ang ataul na laman ang kaibigan upang doon sa Negros ay tuluyan itong ihimlay.
Nakagugulat para kay Rolly ang balita ng pagkamatay ni Domingo. Walang asawa at nagsosolo sa buhay ang kanyang kaibigan. Ang huli niyang balita ay nakatira ito sa Negros, sa isang malaking mansion na minana sa mga magulang. Kabuhayan nito ang pagiging kolektor ng mga antigong kagamitan, muebles at mga pigura.
Isang araw ay nakatanggap ng tawag si Rolly kay Domingo, nakatira na ito sa isang apartment sa Cubao. Ng kanyang kumustahin ay mukha itong balisa at tila may pinagtataguan. “Delikado ang buhay ko pare, may gustong pumatay sa akin!” ang pagbubunyag nito.
Ngunit kahit anong pilit, hindi nito sinabi kung sino o ano ang nagtatangka sa kanyang buhay. Maging si Rolly ay natakot para sa kaibigan. Malaki na ang ipinagbago nito, namayat na ang dating malusog na katawan, at malalim na ang dating masiglang mga mata na tila ba hindi ito natutulog. May mga balita rin sa ibang nakakakilala na nababaliw na raw ang kaibigang si Domingo
Di naglaon ay natagpuan ang bangkay ni Domingo sa loob ng tinutuluyang apartment. Hinihinalang inatake ito sa puso o kaya naman ay binangungot habang natutulog. Bilang kaibigan, nagpasya si Rolly na siyang magbyahe sa bangkay ng kaibigan pauwi ng probinsya.
Sa tagal ng paglalakbay, tinamaan ng pagkabagot si Rolly. Sa unang pagkakataon, nagkaroon siya ng interes na basahin ang diary na sinulat ng kaibigang si Domingo. Kasama ang diary sa iilang gamit na naiwan ng kaibigan sa apartment at dinala ni Rolly upang ibalik sa probinsya. Di man ugali ni Rolly ang magbasa ng sulat ng ibang tao ng walang permiso, di rin niya natiis na buklatin ang diary at umasang baka susi ito sa misteryo ng pagpanaw ng kaibigan.
Narito ang laman ng diary:
Enero 12, 2007 Masaya akong umuwi ngayon sa bahay. Nakita ko ang matagal ko nang hinahanap na antigong estatwa ni Bilikin. Si Bilikin ay isang tikbalang at karakter sa alamat ng mga katutubong Dumagat sa Palawan. Kinatatakutan siya ng mga Dumagat bilang panginoon ng mga malignong naninirahan sa mga kagubatan. Sinasamba din siya ng maraming tribu bago pa dumating ang mga Kastila at iginawa siya ng mga katutubo ng isang estatwa. Ninakaw ng mga mangangaso ang estatwa ni Bilikin at hindi na ito natagpuan sa loob ng mahabang panahon. Kanina ay nakita ko itong ipinagbebenta sa isang isinarang museo kung kaya’t di ako nagdalawang –isip na bilhin ito. Maituturing itong tropeo para sa isang kolektor na kagaya ko.
Enero 13, 2007
Sadyang kakaiba ang malignong si Bilikin, Di ko alam kung anong uri ng kahoy yari ang estatwa. At kung ako ang tatanungin, iisipin kong hindi siya nililok mula sa kahoy kundi isang totoong mummy na pinatigas na tulad ng kahoy. Inilagay ko si Bilikin sa aking living room at napansin kong matangkad siya, halos abot na ang ulo niya sa ikalawang-palapag ng bahay. Itsurang kabayo ang kanyang mukha subalit ang kanyang katawan ay tulad ng sa tao maliban sa mahabang buntot sa kanyang likuran. Nakasuot siya ng bahag at may hawak na tunay na palakol. Kulay itim ang kanyang balat at sa kanyang noo ay may nakatatak na mga letra ng alibata na ang ibig sabihin ay AKO ANG IYONG PANGINOON. Nakamamangha at nakakatakot siyang pagmasdan.
Enero 14, 2007
Malakas ang buhos ng ulan kagabi. Nagsisisi ako at hindi ko agad pinayari ang sira ng aking bubungan. Pinasok tuloy ng tubig-ulan ang loob ng aking bahay. Nabasa rin ang estatwang si Bilikin. Napansin kong medyo lumambot ang katawan ng estatwa. Marahil ay dahil nababad ito sa tubig kagabi. Bukas ay patutuyuin ko siya sa init ng araw.
Enero 15, 2007
Patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan, siguro ay may bagyong paparating. Hindi rin ako nakatulog kagabi. Pakiramdam ko ay may taong nakapasok sa loob ng aking bahay sapagkat may narinig akong naglalakad sa aking living room. Nawala rin ang alaga kong pusa. Hahanapin ko na lang siya mamaya.
Enero 16, 2007
Hindi kapani-paniwala ang isusulat ko ngayon. Nabuhay si Bilikin!! Nagkaroon ng buhay ang aking estatwa! Pag-uwi ko galing sa trabaho, nakita ko si Bilikin na nakaupo sa isang batya ng tubig at doon ay naliligo. Sinira rin niya ang maraming tubo ng tubig sa aking bahay kung kaya’t bumabaha ng tubig sa aking living room at kusina. Tiningnan niya ako ng masama at pagkaraan ay sinabing “ Ako ang iyong panginoon, Ikaw ang aking alipin!” Hindi ko alam kung nababaliw na ako. Ngayon ay nasa kusina si Bilikin at kumakain ng hilaw na karne ng baboy. Siguro ay siya ang dahilan kaya nawawala ang aking alagang pusa.
Enero 25, 2007
Matagal akong di nakapagsulat ng diary. Ngayon lang ako nagkaroon ng panahon na sumulat. Nababaliw na nga yata ako. Kasama kong naninirahan si Bilikin sa aking sariling bahay at ang turing niya sa akin ay isang alipin. Mahilig siyang magbabad sa tubig at di siya pumayag na ipayari ang mga sinira niyang tubo. Ayon sa alamat, si Bilikin ay isang malignong naninirahan sa mga tabing-ilog. Nauubos na rin ang pera ko sa pagbili ng karne na kinakain niya ng hilaw. Kagabi ay pumatay siya ng isang asong kalye upang kainin. Ano ang gagawin ko? Palagi siyang nakasunod saan man ako pumunta. Hindi ko siya matakasan at palagi niyang ipinaaalala na siya ang aking panginoon. Kamatayan daw ang kapalit kung tatalikuran ko siya.
Enero 27, 2007
Ilang araw na akong hindi nakakatulog. Napakamiserable ng buhay ko mula ng dumating si Bilikin dito sa bahay. Kahapon ay nagtangka akong tumakas. Pinuntahan ko ang pinakamalapit kong kapit-bahay upang humingi ng tulong subalit hindi pa ako nakakalayo ay nasundan na ako ni Bilikin. Hindi siya nakikita ng ibang tao. Ako lang ang nakakakita sa kanya. Katakot-takot na pahirap ang ibinigay niya sa akin.Pero hindi ako titigil, lalayo pa rin ako. Pupunta ako ng Maynila kapag may pagkakataon upang hindi na niya ako masundan.
Pebrero 5, 2007
Narito na ako sa Maynila. Nakahanap ako ng isang apartment sa Cubao. Malayo na ako kay Bilikin subalit pakiramdam ko ay nasa paligid lang siya, pinagmamasdan ako. Pinapasok niya maging ang panaginip ko at ayaw akong patahimikin. Gusto niya akong patayin.. Gusto niya akong patayin…
Kinilabutan si Rolly sa nabasa. Hindi kapani-paniwala ang mga isinulat ni Domingo tungkol kay Bilikin. Naawa siya sa kaibigan, marahil ay nasisiraan na nga ito ng ulo bago namatay. Marami din ang nagsabing matagal itong nagkulong sa loob ng bahay at hindi nakikipag-usap sa kaninuman.
“Tsk tsk, mahirap talaga ang walang kasama sa buhay, malas lang ng kaibigan ko at hindi ito nakahanap ng mapapangasawa. Kung anu-ano tuloy ang pumasok sa isip dahil walang makausap.” naibulong na lamang niya sa sarili. “
Madaling araw na nang dumating si Rolly sa Negros. Agad siyang tumungo sa tinitirahan ng yumaong kaibigan upang ayusin ito at magpahanda ng burol. Ibinaba ng inarkila niyang dyip ang ataul sa mismong pintuan ng bahay ni Domingo. Pagkaalis ng dyip ay wala nang ibang tao sa paligid sapagkat nasa liblib na pook nakatayo ang Mansion ng kaibigan at malayo sa mga kapitbahay.
Humahanap ng paraan si Rolly na buksan ang pintuan ng bahay ng mapansin niyang may umaagos na tubig mula sa loob. Nagulat siya ng biglang bumukas ang pinto at tumambad sa kanyang harapan ang pigura ng isang taong may ulo ng kabayo — isang tikbalang! Nakahubad ito maliban sa suot na bahag at may mahabang buhok. Matangkad itong tulad nang isang halimaw at sa tantya niya ay nasa pitong talampakan ang taas .
Mabalasik ang tingin sa kanya ng tikbalang na ipinanglambot ng tuhod ni Rolly. Huli na ang lahat para sa kanya. Hinila siya ng tikbalang sa loob ng pintuan at sinabing; “Ako ang iyong panginoon, Ikaw ang aking alipin! Kamatayan ang kapalit ng pagtalikod sa akin!”
From: theworldwalock
No comments:
Post a Comment